Hindi Pantay Na Kalakarang Patuloy Na Umiiral

Hindi lingid sa ating kaalaman ang hindi pantay at tamang pagtrato ng mga negosyante sa kanilang empleyado. Kalat sa social media ang ilang isyu ng pang-aabuso at kapansin-pansin ang madalas na welga ng mga trabahador na naglalayong mapataas ang kanilang sahod. Ang sistema na kung saan ang mga kapitalista ang naghahari ay talaga namang hindi nagustuhan at hindi sinang-ayunan ni Karl Marx, isang napakatanyag na sociologist sa mundo, maraming social theorist ang kaniyang naimplwensiyahan. Dahil sa kaniyang mga teorya, nabago ang pananaw ng ilang mga tao. Mga teorya patungkol sa sistemang Capitalism at Communism, kung papaanong ang mga sistemang ito nakakaapekto sa buhay ng indibidwal. Hangarin niyang kumilos ang mga tao at baguhin ang sistema. Maraming naging mga taga-suporta si Marx dahil sa mga pahayag niya at tinawag nila ang pananaw na ito na Marxism, at dahil nga sa paniniwalang ito, maraming tao ang ipinaglaban ang kanilang paniniwala at kinalaban ang pamahalaan sa pamamagitan ng rebolusyon. Dahil sa mga kaganapang ito nagkaroon ng kaguluhan sa ilang nasyon.

Bago tumungo sa Capitalism ay binigyang kahulugan muna ni Marx ang Human Potential, na ang ibig sabihin ay ang kakayahan ng taong mag-isip, magplano at isagawa ang mga ito. May kalayaan silang gawin ang bagay na gustuhin nila at alam kung ano ang tama. Ang tao ay kakaiba sa lahat ng nilikha, sapagkat mayroon silang talinong taglay na nagpapaangat sa kanila. Noon, ang mga tao ay kumikilos lamang upang direktang makakuha ng makakain, matitirahan at kung ano pang bagay na kailangan nila para mabuhay. Sa panahong iyon, nagagamit nila ang kakayahan nila. Ngunit ng dumating ang panahon ng tinatawag niyang Capitalistic, ang mga tao ay nakatuon ang pansin sa pagkita ng pera para mabili nila ang gusto nila na dahilan din para hindi masyadong mabigyang halaga ang kanilang kakayahan. Sa panahon ngayon, ang pera ay ang sentro ng buhay ng ilang tao, kung wala nito, mahihirapan silang mabuhay.  Nawawala ang pagkatao ng isang tao dahil sa kaniyang trabaho.

Sunod niyang ipinaliwanag ay ang Alienation, na ayon sa kaniya, ang tao ay nawawalan ng interaksyon sa kaniyang kapwa o sa bagay na kaniyang ginagawa. Nalilihis ang tao sa kaniyang field of work or expertise o iyong natatanging kakayahan mo sa ilang bagay. Inaalok ng mga kapitalista ang mga tao ng trabaho at dahil nga kailangan ng tao ng pera ay papayag ito at sila ay magiging manggagawa ng mga kapitalista. Ang mga kapitalista ang nagdidikta kung ano ba o papaano ba dapat gawin ang isang bagay. Dahil dito, hindi na nagagawa ng tao na maipakita niya ang kaniyang abilidad dahil nagiging limitado na lamang sila sa kanilang gawain. Tulad na lamang sa mga pabrika, ang mga trabahador dito ay may kaniya-kaniyang toka, abala sila sa paggawa ng nakaatas sa kanila at dahil sa iba-iba ang kanilang ginagawa at hindi pinapakielaman ang gawa ng iba, nababawasan ang interaksyon nila sa isa’t isa. Isang malaking kadahilanan din nito ay ang sistema ng kompitensiya na ginawa ng mga kapitalista upang mas galingan pa ng mga manggagawa ang kanilang trabaho, dito rin nawawala ang kanilang sariling potensyal sapagkat ang bagay na ginagawa nila ay hindi nakatutulong upang mahasa pa ang kanilang kakayahan, bagkus, ito ang nagiging dahilan ng unti-unti nitong pagkawala.

Nabuo ang ideya ng Capitalism mula kay Marx. Ayon sa kaniya, Capitalism ay ang ugat ng lahat. Isa itong sistemang pang-ekonomiya na binubuo ng capitalist at proletariat. Kaya ng kapitalista na ibigay ang pangangailangan ng manggagawa tulad ng pera, at kailangan nila ang mga manggagawa para magtrabaho sa kanila upang mas mapalaki pa ang pera na meron ang mga kapitalista. Sila ang nagokontrol ng buong sistema. Sabi nila, kung walang kapital walang manggagawa, ngunit wala ring kuwenta ang mga makinilya kung walang manggagawa. Noon pa man ay may trabaho na o paggawa, kahit walang kapital. Para kay Marx, mas mahalaga ang labor kaysa kapital. Kaya ng tao ng maglabas ng sarili nilang produkto. Sa sistema ng capitalism, habang gumagawa ng kayamanan ang mga trabahador lalo lamang silang naghihirap. Ang Social System ang may kagagawan ng kahirapan, ito ang sistemang mayroon ang isang lipunan, ibig sabihin, isa rin ang lipunan sa dahilan ng paghihirap ng mga tao. Ang sahod na natatanggap ng manggagawa o tinawag ni Marx na Subsistence Wage ay sapat lamang para matugunan ang pangangailangan ng isang tao. Ayon sa kaniya, hindi makatarungan ang ganitong uri ng kalakaran, dapat mas malaki ang natatanggap ng manggagawa kaysa kapitalista dahil sila ang mas nagpapagod at naghihirap kumpara sa mga ito. Kapitalista ang mas kumikita kaysa manggagawa. Sa makabagong panahon, imbis na umunlad ang lipunan dahil mayroon ng science and technology, hindi parin nagbago ang estado sa buhay ng maraming tao, sa kadahilanang ang mga private sectors lang ang nakikinabang sa mga ito. Ginagamit nila ang science and technology para sa kanilang sariling kapakanan, gawain ng isang kapitalista. False conscience naman ang tawag kung saan, akala ng mga kapitalista ay tama lamang ang ganitong sistema na kung saan ay nararapat lamang ang  perang kanilang kinikita sapagkat ito ay bunga ng kanilang talino. Ang mga manggagawa lamanang ang lubos na nakakaintindi sa ganitong sitwasyon at kung magbubuklod ang lahat ay maaaring magkaroon ng rebolusyon. Na isang bagay na ayaw mangyari ng isang kapitalista. Sa sistema ng capitalism napaka talamak ang exploitation na nagaganap o yung pagsasamantala ng mga kapitalista sa mga manggagawa, dapat talagang mawakasan na ang ganitong sistema.

Communism naman ay ang perpektong sistema ayon kay Marx. Dito, may kakayahan ng ipakita ng tao ang kaniyang potensyal, ang kaniyang opinyon at kaalaman, ang pagiging malikhain niya sa bagay-bagay at ang pakikipagkapwa tao. Dito mayroon ng equality. Pantay ang pera na natatanggap ng capitalist at proletariat. Dito, walang esta-estado sa buhay, walang mga pribadong pag-aari, lahat ay pantay na nabubuhay. Sa huli, kahit na hindi pabor si Marx sa sistema ng Capitalism, para sa kaniya, importante din naman ito dahil dito nagkakaroon ng mga makabagong ideya na makatutulong sa pagbuo ng isang Communist Society, na kung saan ay malaya na ang tao na makuha ang naisin sa tulong ng teknolohiya. Naniniwala siya na upang makamit ito, kailangan ng rebolusyon. Ang rebolusyon ang paraan upang umunlad ang isang lipunan. Ngunit, nakalulungkot isipin na ang ideyang ito ay malabong makamit dahil sa paatras na pag-iisp ng mga tao.

Ang Pagkakawatak-watak Ng Tao: Koneksyon ng Lipunan Sa Tao

Sa paglipas ng panahon, kapansin-pansin ang pagdami ng populasyon ng tao. Dumadami narin ang mga imprastraktura at nagtatayugang gusali. Nagiging mabilis ang pag-usad ng teknolohiya. Ang mga tao din ay nagiging abala sa kanilang pagtatrabaho, upang magkaroon ng mapagkukunan ng pangangailangan sa araw-araw. Mapapansin din na sa paglipas ng panahon ay naiiba na ang ang paraan ng pamumuhay ng tao. Sa panahon ngayon, mas nakatuon ang pansin ng tao sa bagay na dapat nilang gawin at nababawasan o nawawala na ang kanilang pakikipagkomunikasyon sa kanilang kapwa.

 

Mayroong dalawang uri ng pamumuhay ayon kay Emile Durkheim, isa sa bigating personalidad sa larangan ng sosyolohiya. Ayon nga sa kaniya, ito ay ang primitive mechanical solidarity at organic solidarity. Sa primitive mechanical solidarity ang trabaho ng mamamayan sa isang lipunan ay pareho lamang, halimbawa nito ay ang pagsasaka, na kung saan ay sama-sama ang magsasaka buong magdamag, at dahil dito mas tumitibay pa ang relasyon nila sa kanilang kapwa. Samantla, ang organic solidarity naman ay iba-iba ang tinatrabaho ng mga tao, kaya nagkakaroon ng division of work ayon kay Durkheim. Mapapansin natin na ang ganitong sistema ay madalas sa mga mataong lugar.

Isa pa sa binigyang kahulugan ni Durkheim ay ang tinatawag niyang Collective Conscience na kung saan ang ideya ay nakakalap lamang ng tao mula sa kaniyang paligid, nagiging daan din ito upang magkaisa ang mga tao, ito rin yung pinaka ideya na nagsasabi kung ano nga ba ang tama at mali. Papasok padin dito ang dalawang uri ng pamumuhay. Sa primitive mechanical solidarity, ginagamit nila ang relihiyon bilang batayan sa tama o mali, kontrolado ng namumuno ang galaw at kilos ng mga myembro ng lipunankung ano ang pinaniniwalaan ng nakararami o ang tradisyon, yun ang dapat na sundin, kasi kung sasalungat ka sa kagustuhan ng lipunan, bibigyan ka nila ng parusa na tinatawag na Repressive Law. May patakaran sila na ‘an eye for an eye, tooth for a tooth’, na kung saan, kung ano ang krimen na ginawa mo, ganun din ang katumbas na parusa sayo, halimbawa nagsinungaling ka, puputulan ka nila ng dila, ito ay para di mo na maulit ang pagkakamaling iyon. Ito ang sistema na mayroon ang mga tribo noon, dahil sa paniniwalang ito nagkakaisa ang mga tao. Kabaligtaran ito ng organic solidarity na kung saan, dahil sa laki ng populasyon, hindi na nababantayan ang galaw ng indibidwal, kung kaya nagkakawatak-watak ang mga ito, nagkakaroon sila ng sub-group o kaniya-kaniyang grupo. Malaki ang epekto ng medya sa ating pag-iisip, dito iba-iba ang ating pinaniniwalaan, may sari-sarili tayong opinyon. Ayos lang din sa ating lipunan ang ganito at binibigyan din tayo ng kalayaan na maipahayag ang ating saloobin. Dahil sa iba-iba ang paniniwala, nawawala narin ang pagkakaisa. Restutive Law, mayroong silang  mga batas na ginawa at dapat ito na sundin, hindi na nasusubaybayan ang indibidwal dahil sa dami ng tao. Dito, hindi na nila masyadong pinalalaki pa ang isyu, bagkus, mas pinatitibay nila ang relasyon ng bawat isa, dinadaan nalang sa usapan ang mga problema.

Binigyang pansin din ni Emile Durkheim ang isyu patungkol sa suicide. Isa itong pangyayaring madalas na nagaganap sa bawat lipunan. Kabi-kabila ang balita at kaniya-kaniya ng dahilan. Anomie na ayon sa kaniya, ang ibig sabihin ay pagkawala ng batas na nadudulot ng pagkakaniya-kaniya ng tao. Ito ang punto sa buhay na kung saan ay hindi mo na alam ang batas, maging ang iyong gampanin sa lipunang kinabibilangan.  Ngunit, ayon kay Durkheim, wala itong kinalaman sa pagpapakamatay ng tao. Nalaman ko na ang social integration ang ugat nito, ang lebel ng pagkaugnay ng isang tao sa lipunan ay dapat na balanse lamang. May apat na uri ng pagpapakamatay, una ay ang Altruistic, o yung pagsasakripisyo mo para sa iba, halimbawa nito ay mas pipiliin mong mamatay para mailigtas ang iba. Pangalawa, ang Fatalistic, ang dahilan naman nito ay yung pressure na nakukuha mo galing sa lipunan, yung mga expectations na dapat mong maabot. Itong dalawang ito ay bunga ng sobrang pagkaugnay ng tao sa lipunan. Ang sunod naman ay ang Egoistic, yung pagiging makasarili, halimbawa nito ay yung mga tinatawag nating emo, nagpapakamatay sila sa personal at panasariling dahilan. At ang huli ay ang, Anomic, ito naman ang pakiramdam na nag-iisa ka lang, na wala kang lugar sa mundo, dito nararamdaman mo ang matinding pagkalungkot o depression. Itong dalawang ito naman ay kabaligtran ng nauna, dito hindi masyadong malapit ang loob ng isang tao sa kaniyang lipunan kung kaya’t inaakala niya na wala siyang silbi.

Sa kabuuan, nalaman ko ang halaga ng gamapnin ng lipunan sa tao. Napakalaki ng talaga ang epekto nito sa buhay ng indibidwal. Tila nakasalalay sa kamay ng lipunan ang mga desisyon o mga bagay na gagawin ng isang tao sa kaniyang buhay. Nabatid ko rin ang nais na iparating ni Durkheim, dahil sa sistema meron tayo sa panahon ngayon nagkakaroon na ng division of work at totoong nawawalan ng interaksyon ang tao sa kaniyang kapwa kahit na magkasama lang naman sila. Nakakain ng pagtatrabaho ang pakikipagkapwa ng mga tao.

Ang Tao at Ang Lipunan

Ang tekstong “the promise” na isinulat ni Wright Mills ay nakatulong sa akin upang mas lalong maunawaan ang ating lipunan. Nagbigay ito sa akin ng malawak na kaalaman sa realidad ng buhay. Natutunan kong alamin ang mga bagay na dapat na gawin bilang isang mamamayan at bilang isa sa lipunan.

Masasabi ko na sa paglipas ng maraming panahon napakalaki nga ang pagkakaiba ng mga tao noon sa mga tao ngayon, mula sa kanilang pamumuhay hanggang sa kanilang pag-iisip. Ang mga tao noon ay malawak kung mag-isip, inaalala nila ang kalagayan ng lipunan, samantala ang mga tao naman ngayon ay napakakitid kung mag-isip, sariling kapakanan at malalapit lang sa kanila ang kanilang iniintindi, wala silang pakielam, sa makatuwid, ayaw nilang makialam sa mga problemang kinahaharap ng sambayanan, ayaw nilang makialam sa kadahilanang, ang alam nila sa sarili nila ay wala silang kakayanan upang makatulong na masolusyunan ang problemang hinaharap. Wala rin silang tiwala sa sarili at ayaw ng madagdagan pa ang gulo sa kanilang isipan, sapat na sa kanila ang mabuhay ng walang relasyon sa lipunan. Mali ang ganitong pag-iisip, ayon nga sa nakasaad sa teksto, ang lipunan ay wala kung walang indibidwal at gayun din sa indibidwal kung wala ang lipunan. Ang lipunan ang bumubuo at naghuhubog sa isang tao, malaki ang nagiging epekto nito sa kanilang pamumuhay sa araw-araw, at ganun din, ang tao ang bumubuo ng lipunan, sa mga desisyon ng tao nakasalalay ang magiging lagay ng lipunan, nakadepende sa aksyon ng tao ang magiging itsura nito. Ang problemang personal ay laging kasama ng problemang pampubliko. Isang halimbawa nito ay, kapag ang isang tao ay walang trabaho, marahil ay mayroon siyang personal na problema, ngunit kung pagsasama-samahin ang bilang ng tao sa lipunan na walang trabaho ay magiging isa na itong pampublikong problema. Kapag naman, ang lipunan ay naghihikahos at naghihirap, isa itong pampublikong problema. Kung aalamin natin ang dahilan ay masasabing ito ay nag-ugat sa personal na mga problema ng isang tao. Upang makamit ang mga layunin, nararapat na ang mga tao ay magkaroon ng pagkakaisa at dapat na magtulungan. Dahil dito, mas lalakas ang kanilang samahan at mas mapapadali ang pagharap sa anumang pagsubok.

Sinasabi din sa tekstong ito na, ang tinatawag na sociological imagination ay isa sa malaking tulong upang labis na maunawaan ang ating kasaysayan. Bakit nga ba kailangan pa natin itong alamin kung ito ay ang mga pangyayaring natapos na? Ano ang dulot nito sa atin? Ang kasaysayan ay napakahalaga, sapagkat, nakapaloob dito ang mga pangyayaring dapat nating malaman. Matutulungan tayo nito upang magkaroon ng ideya kung papaano ba dapat solusyunan ang kinahaharap at kahaharaping problema sa lipunan. May mga sitwasyon sa buhay na nag-simula sa kasaysayan. Halimbawa, hindi mo labis maintindihan o maunawaan kung bakit ang mga matatanda ay maraming paniniwala at pamahiin sa buhay. Kung bakit napakaistrikto nila kahit sa maliliit na bagay. Ang hindi mo alam, ay marahil nakuha nila ang ganitong pag-uugali noong panahong nasakop ang ating bansa, na naranasan pala nila ang pagmamalupit ng mga mananakop na dayuhan, kaya kung maaari ay ayaw nilang makakita o makagawa ng pagkakamali, dahil nakatatak na sa kanilang isipan ang kanilang kahihinatnan pag-nakagawa sila ng hindi tama. Malaki ang epekto ng kasaysayan sa lipunan maging sa isang tao, nababago nito ang pagtingin at paguunawa sa mga bagay at sa buhay, at kung wala ito, mahihirapan tayo sa ating pamumuhay, wala tayong batayan sa mga bagay na dapat nating gawin. Kung wala ang nakaraan, walang kasalukuyan at lalong-lalong walang hinaharap.

Sa aking pag-kaunawa, itong sanaysay na isinulat ni Wright Mills ay naglalayong mapalawak ang ating kaalaman at maimulat tayo sa tunay na kalagayan ng ating lipunan. Kung ang kaalamang ito ay ating gagamitin, marahil magkakaroon din ng pag-usad at pagbabago sa ating buhay at maging sa lipunan.

 

Pagmulat sa Lipunan

Nalaman at naintindihan ko ang kahalagahan ng Social Theory para sa mga tao dahil sa akda ni Charles Lemart na “Social Theory: Uses and Pleasures”. Ipinaliwanag ng librong ito ang tulong ng pagkakaroon ng tinatawag na Social Theory, na ang ibig sabihin ay ang pagpapaliwanag sa mga ugali at kasanayan ng bawat tao sa lipunan upang lubos itong maunawaan. Sinasabing hindi lamang ang mga propesyonal ang may kakayahang magtaglay nito, maging ang mga bata, matanda, lalaki o babae, ano man ang estado mo sa buhay, ay maaari kang magkaroon ng social theory.

Ang pagsisimula ng social theory ay nagmumula sa katanugang nasa ating isipan, gaya ng “bakit ganito ang lipunan?” “ano ang dahilan at bakit ganito ang ating kinahintnan?” “saan nga ba nagsimula itong problema?” at kung ano-ano pa. Dahil dito namumulat tayo sa realidad ng buhay. Nagiging mapagtanong tayo sa mga bagay-bagay. Hindi tayo nakukuntento sa mga sagot na pilit ipinasusubo sa atin ng lipunan. Naghahanap na tayo ng mas malawak at mas malalim na kasagutan at kahulugan. Hindi na basta-basta naniniwala, kailangan ng matibay na ebidensya upang malaman ang katotohanan. Upang magkaroon tayo ng solusyon sa ating mga problema, dapat na maging isa tayong magaling na tagapag-obserba, kailangan na mamulat tayo sa bawat pangyayari na nagaganap sa ating paligid at maging sa mga taong nakakasalamuha natin. Ngunit hindi tulad sa lebel ng mga propesyonal na mas pinaniniwalaan dahil sa ilang taong pinag-aralan nila at sa katotohanan na sila ang mga dalubhasa pagdating sa ganitong larangan. Ngunit lingid din sa ating kaalaman na maging ang magagaling at tanyag na mga pilosopo ay nagsimula din sa pagtatanong at paghahanap ng sagot at linaw sa mga bagay na bumubuo sa kanilang pagkamausisa.

Kapag ang isang tao ay may mataas na kritikal na pag-iisip at siya ay may bukas na pag-iisip, nakikita niya ang kahulugan at kahalagahan ng mga bagay-bagay sa mas malawak at malalim na pamamaraan, dito nagsisimula ang pagkabuo ng social theory na maibabahagi niya sa ating lipunan. Ngunit upang mas maunawan at maintindihan ng mga indibidwal ang nabuong “social theory” kinakailangang magpakita o magpahayag ng konkretong ebidensya sa bawat paksang tinatalakay. Kung ito ay mangyayari, mas maiintindihan pa nating ang mundong ating ginagalawan.